mga pasa sa aking utak
hindi ako palaaral na bata nun, saka lang ako nagsisipag magbasa kapag nakakapagbakasyon si tatay galing sa destino. may hagod militar kasi ang pagtuturo nya ng mga bagay-bagay. may oras ang pagkain, pagbabasa, paggawa ng assignments, at ang kinasusuklaman kong bawal manood ng tv pag school days at linggo ng gabi. dahil tumigil na sa pagtutro si nanay at naging isang simpleng maybahay na lang, naisipan nilang magtayo ng sari2x store. at natural na ako ang taga-bantay pag walang pasok. nagsimula ang pagkahilig ko sa pagbabasa nung grade 3 ako. yung kapitbahay kasi namin, nagtrabaho ata sa printing press ng pocketbook sa dinami-dami ng pocketbooks nila. dinadala nya sa store namin para maipa-rent. 5 pesos yung bago, 3 pesos yung may kalumaan na. at sympre dahil ako yung nakatambay dun parati, napagtyagaan kong magbasa. hayun, hindi ko naman alam nun na may kabastusan pala yung iba. wahehe! pinapagalitan ako ni nanay nun pag nakikita nya kong nagbabasa. hindi ko sure kung alam nyang may kabastusan yung iba o iniisip lang nya na baka mag-nosebleed ako kasi di pa kaya ng utak ko nun yung mga nababasa ko. hanggang sa naging adik na talaga ako sa pagbabasa. pati pambalot ng tinapa, pinapatulan ko na. kolektor si nanay ng Liwayway nun at Bannawag(para sa mga ilokano), bago pa man nya nabubuklat yung kakabili nyang liwayway nabasa ko na. kung yung ibang tao nasasarapan sa pagyoyosi habang nakaupo sa trono, ako naman may dala-dalang libro, magasin, o kaya dyaryo habang naghihintay sa next episode ng bombang papasabugin ko. hindi yata ako makaire pag hindi ako nagbabasa. sakit ba ‘to? psychological? hehe! pag naglilinis ako ng bahay, madali lang akong ma-distract pag nakakakita ako ng babasahin. uupo na lang ako sa isang gilid at magbabasa hanggang sa ma-realize kong hapon na pala. hindi na pala ako nakapaglinis at nakalimutan na ring kumain. at mahirap din kapag inuutusan akong mag-prito ng tinapa. hanggang sa mga print ng letrang dumikit sa balat ng tinapa galing sa dyaryong pinambalot eh pinagtyatyagaan kong i-decipher. di ko na tuloy namamalayang sunog na pala yung niluluto ko.
nung high school ako, masarap tumambay sa school library namin dahil bukod sa maraming libro iba pang reading materials, naka-aircon sya. hah! ang sarap! kung yung ibang estudyante eh naghaharutan sa hallway tuwing lunchbreak, ako naman nakasubsob sa pagbabasa dun sa sulok ng library at nakaupo sa sahig na parang may isinasagawang ritwal ng pangkukulam. hindi ko naman naiintindihan yung ibang binabasa ko. natutuwa lang ako sa mga words. lalo na pag english. o kaya yung may mga pictures. waw! parang nakakatalino. masyado akong nahilig sa mga letra. yun kaya ang dahilan kung bakit bubuwit ako sa numero? bigyan mo na kong ng sangkaterbang babasahin na puro words, wag lang may kinalaman sa math(oo, i hate word problems too. no, that’s an understatement, i despise them). kaya natuto akong gawan ng paraan ang pagka-bored ko sa math na yan. uso pa nun ang pagdadala ng pocketbooks sa klase. ipinapatong namin ung pocketbook sa nakabukas na notebook o kaya libro para kunwari nagbabasa. tapos bigla na lang sisitahin ng titser kasi baliktad pala yung libro at seryoso yung mukha nung taong nagbabasa. haha! una kong nabasa yung harry potter and the sorcerer’s stone nung 3rd year ata ako. pasiklaban pa kami nun ng mababasa. yung isa kong kaklase, 3 months nya atang dinadala araw-araw yung tuesdays with morrie na pag-aari daw nung ate nyang nasa college. sympre pa, kelangan may maipagyabang din ako. nagdala ako ng isang encyclopedia, kunwari seryoso ako sa pagbabasa. natural, sumuko yung encyclopedia sa utak ko. di na nya nakayanan yung pagdurugo ng ilong ko kaya sya na mismo ang nagsabing ibalik ko sya sa shelf.
hindi pa ko aware nun na marami na pala akong nakolektang libro. karamihan hindi kilala ang author. kahit yung mga nalalagas na ang pahina, pinagtyatyagaan ko pa ring lagyan ng scotch tape para madikit. nanghihinayang ako pag may nawawalang pahina. pero kahit ganun, itinatabi ko parin. nung college na ko nagsimula ulit akong mangolekta ng mga libro. naging suki ako ng national bookstore. pag may natitipid akong pera iniipon ko at pinambibili ng libro. karamihan mga nobela, self-help, factual, at kung anu-ano pa na interesting. napansin siguro ng mga kaibigan ko na ganun kaya everytime na birthday ko o may mahalagang okasyon sa buhay ko, parati akong nireregaluhan ng mga libro. hindi ko na namalayan, nakaipon na pala ako. kapag nagbibyahe ako, hindi pwedeng wala akong dalang libro. kahit aalog-alog yung bus o kaya sa bubulok-bulok ng tricycle, hindi ko alam kung pano kami nagkakaintindihan ng mga binabasa ko. basta pagbaba ko mula sa sasakyan, masasabi kong “success!” na para bang yung commercial ng diatabs. hangsarap ng feeling! at kesa magsayang ako ng laway sa pakikipagdaldalan sa mga kanong nakakasabay ko sa eroplano at tuluyang manganib ang dila kong nagta-tonguebleed na rin, mas gusto ko na lang isubsob ang sarili ko sa mga libro.
natapos ko na ang harry potter series(including the manuscript of the last book), pati na rin ang apat na libro ni dan brown. kilala ko na rin si jason bourne, nagpa-admit na rin ako sa asylum na pinamumugaran ni veronika, nakarating na sa heaven kasama si eddie, nasuka sa mga krimen sa mga libro ni tess, nag-tumbling sa art of war ni sun tzu ala jumong the female version, at marami pang iba. hindi na siguro matatapos ang sinusulat ko kung sasabihin ko lahat ng mga nabasa ko. hindi ko alam kung maituturing na rin bang ka-adikan na gawing wallpaper sa cr ang mga pahina ng archie comics, national geographic, at time magazine. na sa huli ay nanggagalaiting pinagpupunit ng nanay ko sa kadahilanang nagmumukhang basurahan na daw yung cr. hehe! iniisip ata nyang dun ako kumukuha ng ginagamit kong tisyu. eeeew! gross! naisip ko lang naman yung ideyang yun para hindi na ko nagdadala ng babasahin sa tuwing pumapasok ako sa cr. baka isipin ng ibang nakakakita na may ginagawa akong di kanais-nais sa loob ng banyo.
hindi ako tulad ng karaniwang babae na nangongolekta ng sapatos o kaya bag o mga kikay products(hindi ko pa alam hanggang ngayon kung pano ang tamang paglalagay ng mascara. pakiramdam ko kasi nakakabulag ito kaya di ako gumagamit. di rin ako pwedeng mag-makeup lalo pag matagalan dahil nagmumukhang kinagat ng sangkaterbang langgam ang mukha ko). pero kung may isang bagay na pinaglalaanan ko tuwina ng kaunting bahagi ng kinikita ko, yun ay ang mga libro. hanggang ngayon hindi parin ako matalino, hindi ko parin nalalaman ang pormyula kung pano ipasok yung buong libro sa utak ko. hehe! pero hindi ako kelanman nanghinayang sa mga nagastos ko. at least pag wala na kong madukot na papel sa wallet ko, may makikita parin akong mga libro sa mga cabinet sa kwarto ko. amoy amag pa lang nila, hmmm…ang bango nah!
ngayon alam nyo na kung bakit nagkaroon ng mga pasa sa aking utak? produkto na po yan ng mga naipong dugo na di na kayang ilabas ng ilong ko. internal hemorrhage to the max na. hehe!