Alam mo bang gustung-gusto kitang kausapin? Alam ko naman kung pano kita hahanapin eh. Kaso ayokong magulo ulit ang mundo nating dalawa. Hinding-hindi mo siguro kelanman maiintindihan kung bakit ginawa ko ang mga bagay na tingin mo eh nakasira sa ating dalawa. Pero mahal ko, ginawa ko lahat yun kasi ayokong walang matira sa atin. Hindi ko rin talaga alam kung pano ipapaliwanag sa’yo kahit alam kong makikinig ka sa mga sasabihin ko. Minsan natatakot akong bumalik kasi baka hindi na kelanman tayo magiging tulad ng dati. Natatakot ako na baka sa sobrang galit mo mas gugustuhin mong tuluyan na akong mabura sa mundo. Natatakot akong meron ng iba. Pero ang lakas parin ng pakiramdam ko na ako parin. Ako parin ang nasa puso mo, ako parin ang naiisip mo. O siguro umaasa na lang ako na ako parin. Na kapag bumalik ako sa’yo eh tatanggapin mo parin ako. Kaso baka hindi na.
Kapag natutulog ka ba napapanaginipan mo parin ako? Naalala mo dati, parang nagkakausap parin tayo kahit tulog? Kahit nasa magkaibang lugar at panahon? Naiisip mo parin ba kung kumakain ako ng wasto at tama sa oras? Kung nakakatulog ako ng mahimbing? Kasi alam naman nating dalawa na nangyayari lang yun kapag kasama o kausap kita. Pag pumapasok ka at umuuwi galing trabaho hinahanap-hanap mo parin ba ang pagpapaalala ko sa’yo na mag-iingat ka lagi? Sumasagi ba paminsan sa isip mo na bilhan ako ng pasalubong sa tuwing may lakad ka? Kasi ikaw sa lahat ang nakakaalam ng mga paborito ko. Ikaw sa lahat ang nakakita ng bahagi ko na ni minsan hindi ko nai-share sa iba.
Ako, naiisip parin kita. Parati. Kapag masama ang pakiramdam ko, pag hindi ako makatulog, kapag may masakit sa akin, pag masaya, malungkot, lahat. Kasi ikaw ang nagpadama sa akin na ako ang mundo mo. Ikaw lang. Ikaw ang bumuhat sa akin nung mga panahong madilim na madilim ang mundo ko. Binitawan mo ang sarili mo para saluhin ako. Ikaw lang ang gumawa ng ganun para sa akin. Miss na miss na kita. Sobra.